Wednesday, December 20, 2006

Ang malamig na paglalakbay

unti unting nalalagas ang mga manlalakbay sa malawak na yelo sa gitnang bahagi ng Antartica. animo salot na gumagapang ang lamig at nanunuot sa bawat himaymay ng kalamnan. iginagapos nito ang bawat ugat sanhi upang harapin ng may-ari ng katawan ang pangil ng kamatayan. Pinapatigil nito ang pagtibok ng puso upang ikulong sa lagim ng namumulikat na pag-asa.

Bumagsak ang isang misyonero. Agad pinangko ng kasunod na manlalakbay. "..kahibangan ang ginagawa mo Mr. Hondrada, ang pagkandili mo sa taong sumuko na sa natitirang hibla ng pag-asa ay wala nang karapatang tulungan..", ang panunuya ng isang manlalakbay.

Pinasan ng taong ito ang kasamahang nasa pagitan ng nag-aagaw na dilim at liwanag. Ilang oras ang nakalipas at ang kaninang tao na nanunuya sa kanya ay isa nang matigas na bangkay na nakahadusay sa yelo. At ang iba pang nauna sa kanila ay sinakmal na rin ng pangil at sinukluban ng dilim ng kamatayan.

Ilan lamang sila sa mga naka-"survive" sa walang katiyakang paglalakabay. Ang katawang pumupuwersa ni Mr. Hondrada ang siyang nagbibigay ng init sa katawan ng kanyang binubuhat. Ang init sa katawang magkadikit ng dalawa habang nagkikiskisan ang siyang dahilan upang malabanan ang lumalambong na lamig ng kamatayan.


*
ang tunay na pagmamalasakit ay nasusubok sa pagitan ng dilim at liwanag. Hindi nasusukat ang pagkatao at pananampalataya ng isang tao sa komportableng situwasyon.

No comments: