Wednesday, December 20, 2006

kung kelan palubog na ang araw niya

Nag-umpisa siya sa larangan ng “real state”. Ginalugad at nilinang ang halos buong Florida. Nagtayo pa siya ng kompanya na nagbebenta sa tinawag nilang “milk shake mixers.” Bumagsak ang dalawang naitayong kompanya. Bunga nito, tagabenta na lang siya ng “paper cup”.

Tumagal ang negosyo niyang ito. May magkapatid na bumili ng kanyang “milk shake machines”. Pinakyaw nila itong lahat. Sa kanyang kuryusidad, sinundan niya ang dalawang magkapatid hanggang San Bernardino upang matuklasang pinapatakbo nang magkapatid na ito ang isang matagumpay na “humburger stand”.

Nagsumikap siya upang bilhin ito. Nabili nga niya ang “karapatan” (rights) sa humburger stand nang siya’y 51 taong gulang na. Pumailanlang ito sa lundo ng tagumpay matapos ang isang taon. Parang kabute itong umusbong hanggang naging numero unong “fast-food chain” sa buong mundo. Si RAY KROC na matagumpay na tao matapos ang paulit-ulit na kabiguan sa larangan ng negosyo. Sa edad na 52 ay ganap na Milyonaryo sa pamamagitan ng kanyang McDonald’s.

sige talon na!

Tatlo na lang ang parakyut sa isa eroplanong papabagsak. Hindi magkamayaw ang apat na nalalabing nakasakay.

”..may asawa ako’t mga anak na kailangan ng aking pagkalinga. Marami akong responsibilidad sa buhay.”,ang sabi ng Piloto sabay kuha ng parakyut at tumalon.

”..marami na akong award na natamo sa isang prominenting eskwelahan. Matagumpay ang aking kinabukasan. Malay ninyo, ako ang makakahanap ng lunas sa AIDS at KANSER. Sa hinaharap malulutas ko ang kanser at aids ng ating lumalalang ekonomiya..”,ang smarteng Valedictorian sabay dampot sa parakyut at tumalon.

”..anak, kunin mo na ang huling parakyut. May kasiguraduhan na ako sa Diyos, mapayapa akong babagsak kasama ng eroplanong ito..”,ang mahinahong Pastor.

”..relaks lang kayo reverendo..”. ang ngingiti-ngiting Kompyuter Teknisyan..”..kasama ng Valedictorian ang aking mga ATI videocards at 10pcs 512 ddrams nang damputin niya ang aking knapsack..”


hindi lahat ng mga nagtapos at nagtamo ng mataas na karangalan ay matalino nga at smarte. Maraming bagay na napapag-aralan sa lansangan ng buhay na wala sa bulwagan ng lektura.

wow mali!

isang magkatipan ang dumaan ng Mcdonald Drive Thru upang umorder ng combo meals. Nakagawian na ng superbisor na ilagay ang pera (cash sales) sa kahon ng kanilang combo meals upang iwas holdap at hindi mapagkamalan. Aksidenteng iba ang nadampot ng crew. Sa halip na combo meals ay ang nakakahong pera ang nai-aabot sa magkatipan. Tumatakbo na sila ng expressway ng mapansin nilang libong pera ang nasa combo meals. Nagkamali ang service crew.

isang malaking "TOINK*"..

Nag U-TURN ang sasakyan nila at bumalik sa MCDO drive thru upang ibalik ang pera. Nag-iiyak nang nadatnan nila ang crew na nagkamali. Na-impress ang bisor at ng mga taong naroroon. Abut-abot ang pasalamat ng mga nandoroon. Puring-puri nila ang KATAPATAN ng dalawang magkatipan. "..kailangan malaman ng marami ang ginawa ninyong katapatan..", ang sambit ng nakangiti pang bisor. "..nagpatawag na ako ng medya para masabi sa lahat ang ginawa ninyong kahanga-hangang katapatan..".

Biglang pinagpawisan ang lalake at bantulot itong tinatanggihan ang offer ng bisor. "..huwag na po, ayos lang sa amin, aalis na kami..", ang nahihintakutang lalake habang kinakaray ang kasama niyang babae papalayo. Hinabol siya ng bisor upang makuhanan man lang sila ng piktyur. "..huwag po sir, hindi ko po asawa ang babae..", bulalas ng namumutlang lalake.


ang tapat sa isang bagay subalit hindi sa ibang bagay ay kasinungalingan.

check mate!

Labinglimang-taong gulang siya ng mapansing henyo sa larangan ng ahedres!. Mahistradong walang katulad. Pinatataob ang mga lamesa ng katunggali. Liniligalig ang mga kaisipan ng sinumang umaarangkada. Pinapatid ang bawat malalalim na diskarte ng mga mananangka.

Sa bawat sulong may gumugulong. Matindi kung dumipensa. Pinaigting ang pamosong "Sicilian defense" ng larong chess. Itinuring na alamat ang puknatan nila ni Spassky. gumugulong ang utak..dinudugo ang isip upang maipanaiig ang sinimulan.

Sa gitna ng matinding kasikatan. sa karagatan ng animo'y nakalulunod na pamumuri. Nawalan ng kasiyahan. Ang henyo..ang maestro..ay lunod sa kahungkagang hindi magagap. Iniwan ang ahedres..isinulong ang paghahanap sa tunay niyang kasiyahan.

Ginugugol na lang ni Bobby Fischer ang buhay sa pagmamasid sa ganda ng kanyang paligid na matagal na niya pa lang hindi namamasdan.

ang tangang bampira

Papaano mangaso ang isang Eskimo? Una,Tinatapalan niya ng dugo ng hayop ang talim na kanyang kutsilyo. Pinapatigas nya ito sa pamamagitan ng lamig ng yelo. Muli niya itong pinapatungan ng dugo hanggang ang buong kataliman ng kutsilyo ay maitago ng namuong dugo ng hayop. Itatarak niya ito sa lupa nang nakatingala.

Maamoy ito nang gutom na lobo (wolf). Matatagpuan niya ito sa gabi na kung saan malamlam ang sinag ng buwan.Buong kasibasiban niyang didilaan at lalaplapin ang dugo na nakakulapol sa talim ng kutsilyo. (Para itong paslit na humihimod sa kanyang ice drop.) Hayok sa dugo. Hindi na niya namamalayan na ang talim ng kutsilyo ang natira at sarili na niyang dugo ang sinisibasib. Maputla na nang bumulagta ang lobo.


Madalas, sarili/pamilya na pala natin ang ating pinapatay/sinisira makuha lang ang ating mga pansariling pagnanasa.

modelo

Kinagiliwan ang amo ng kanyang mukha. Minsang inalagaan upang mabuhay sa katuwiran. Sagisag ng budhing malinis. Sa hindi inaakalang pagkakataon ay pinaupo siya ng dakilang maestrong Da Vinci upang maging modelo sa magiging makasaysayang Obra. Malaking halaga para sa isang magiliw at maamong mukha.

Humayo siya. Nagsimulang mangarap. Lumampas ang minithi at humabol ng mga bagay na hindi na nararapat. Kinain siya ng mga bagay na panlupa. Hinayok ng mga ambisyong walang pinatunguhan at hindi kinaya.

Humiga siya sa alikabok.

Nawala ang mga naipundar mula salaping magbibigay sana sa kanya ng lalong magiliw na anyo ng buhay. Ang dating magiliw at maamong mukha, ngayon niluluoy ng kahirapan at kasalanan. Kumulubot ng labis ang mukha at tumanda. Animo sagisag ng kasinungalingan at kawalang pag-asa. Nawala ang ningning sa mga mata.

Muli siyang nakakita ng sinag ng pag-asa nang muli siyang matagpuan ng maestro upang paupuing muli sa Obrang hindi pa natapos bilang modelo ni Hudas. Sa pagtataka niya, diyatat hindi na siya namukhaan ng maestro. Kaya sinabi niyang siya si Pietri Bandinelli, ang taong minsan na niyang pinaupo sa lamesang iyon upang maging modelo ni Hesus, halos sampung taon na ang nakakalipas.

gurlis sa kotse

Habang naglilinis ng bago niyang kotse ang isang ama, pumulot ng magaspang na bato ang kanyang apat na taong-gulang na anak at sinimulang gurlisan at sulatan ang gilid nito. Sa tindi ng galit ng ama ay makailang beses niyang pinukpok ang mga kamay ng anak. Huli na nang mapansin niyang halos madurog ang mga daliri nito.

Duguan itong dinala sa ospital. Sa ospital natanong ng kanyang anak:dad,kelan po gagaling ang mga kamay ko?. Nasaktan ang puso ng ama. Umuwi siya ng bahay at ilang beses pinagtatadyakan ang bago niyang kotse. Noon lang niya napansin ang isinulat ng kanyang anak sa may tagiliran ng kotse:i love you daddy!

ang pamana

noong kasalukuyang nag-aapuhap ang matandang tsina ng mga masasaligang katuruan at pilosopiya, may mag-ina na nakatira sa isang di-pangkaraniwang lugar. nag-aaral ang kaisa-isa niyang anak na lalake sa paaralang napag-gitnaan ng palengke. sa tuwing umuuwi ang bata ay ibat-ibang salita ang natututunan. Nagmumukhang palengkero ang anak. Mabilis makapulot ng mga salitang bago at gawi ang bata.

Sumunod na taon, lumipat sila ng lugar at hinanap ang isang munting paaralan na matatagpuan sa gawing hilaga ng kanilang bayan. Magkakalahati pa lang ang taon ay napansin na ng ina na nagiging balahura at mapagdabog ang anak. Natuklasan niya kinalaunan na tambayan ng mga matatakaw sa opium ang labasang kalye ng paaralan.

Nagbenta ang Ina ng natitirang pamanang alahas ng kanyang ninuno. Lumisan sila sa lugar na iyon. Ipinasok ng Ina ang anak sa isang di-pangkaraniwang paaralan. Mga anak ng prominenteng tsino at kilalang mga lider ang nag-aaral doon. Sinagad niya ang pagbenta ng mga minanang alahas upang mapag-aral ito sa paaralang iyon. Tumira sila sa lugar ng mga taong wala nang pinag-usapan kundi ang mga bagong karunungan at bagong batas at politika.

Lumipas ang taon. Nakilala ang bata bilang mahusay na tao. Kinakitaan ng mga pambihirang katalinuhan. Ginawang lider. Pinagkatiwalaan. Humanga sa kanya ang matandang tsina. Hindi naglaon, inihilera siya at itinuring na isa sa mga dakilang guro ng tsina, siya si MENCHIUS, kilala bilang "One of the Great Thinkers of China".

Ang malamig na paglalakbay

unti unting nalalagas ang mga manlalakbay sa malawak na yelo sa gitnang bahagi ng Antartica. animo salot na gumagapang ang lamig at nanunuot sa bawat himaymay ng kalamnan. iginagapos nito ang bawat ugat sanhi upang harapin ng may-ari ng katawan ang pangil ng kamatayan. Pinapatigil nito ang pagtibok ng puso upang ikulong sa lagim ng namumulikat na pag-asa.

Bumagsak ang isang misyonero. Agad pinangko ng kasunod na manlalakbay. "..kahibangan ang ginagawa mo Mr. Hondrada, ang pagkandili mo sa taong sumuko na sa natitirang hibla ng pag-asa ay wala nang karapatang tulungan..", ang panunuya ng isang manlalakbay.

Pinasan ng taong ito ang kasamahang nasa pagitan ng nag-aagaw na dilim at liwanag. Ilang oras ang nakalipas at ang kaninang tao na nanunuya sa kanya ay isa nang matigas na bangkay na nakahadusay sa yelo. At ang iba pang nauna sa kanila ay sinakmal na rin ng pangil at sinukluban ng dilim ng kamatayan.

Ilan lamang sila sa mga naka-"survive" sa walang katiyakang paglalakabay. Ang katawang pumupuwersa ni Mr. Hondrada ang siyang nagbibigay ng init sa katawan ng kanyang binubuhat. Ang init sa katawang magkadikit ng dalawa habang nagkikiskisan ang siyang dahilan upang malabanan ang lumalambong na lamig ng kamatayan.


*
ang tunay na pagmamalasakit ay nasusubok sa pagitan ng dilim at liwanag. Hindi nasusukat ang pagkatao at pananampalataya ng isang tao sa komportableng situwasyon.

Saturday, December 16, 2006

ang talunan?

1832 “ talo sa usaping pang Lehislatura

1833 “ bumagsak ang negosyo

1835 “ namatayan ng asawa

1836 “ nagkaroon ng nervous breakdown

1838 “ natalo sa eleksyon bilang Speaker ng Pang Estadong Lehislatura

1843 “ hindi nakasama sa nominasyong pagka-Kongreso

1846 “ natalo sa halalang pang-Kongreso

1848 “ talunan pa rin sa ikalawang nominasyon para sa Kongreso

1849 “ bigo sa posisyong Opisyal Pang-Agrikultura

1854 “ talo sa halalang pagka-Senador

1856 “ tinanggihan bilang isa sa mga nominado sa pagka-bise presidente ng Estados Unidos

1858 “ talo na naman sa halalang pang-Senado

1860 nanalo bilang Presidente ng United States of America!


Sino ba ang hindi makakalimot kay ABRAHAM LINCOLN.

kislap sa lampshade

..bagong taon na bagong taon nag-aassemble ako ng unit. Ganda ng rig: Intel Pentium IV 2.0, w/ AsusP4800E-dlx. Halos ayaw kong i-mount ang board at processor kasi bagung-bago. Gusto kong palitan ng 2ndhand, nyahaha! (minsan or madalas ganito ang kalokohan nating mga technician,tsaring!). Kasi 1500 lang naman ang kikitain ko as fee sa pag-aassemble, nakaka-temp. Andito lahat ng piyesa, brand new lahat.Kakabili lang noong December 27,2004 sa PC MADNESS. Kainggit, lalo na yong videocard: inno3d fx5200 128mb. Naglalaway ako sa kumikisla-kislap pang sticker ng twinmos 2x256mb na memory. Sa tuwing mahahaplos ko ang 40g hdd nitong seagate barracuda naaalala ko si headster. Napaka-kisig ng 52x na LG brand cdrom black nito! (palitan ko kaya ng sprayed black 32x na cdrom?nyehehe). Lintek din sa astig ang 1.44 black floppy drive nito, sony brand. x-gamer transparent ang casing w/ red x color pa yung sa front. Ang monitor 17" na AOC silver black pa. Nakoooooowwwww!! Bumigay pa yung bootable disk na binigay ni amacel dahil sa excitement ko sa pag-iinstall. Kaya naka WINXP ito ngayon sa halip na WIN98se. Tiyak, gagaan na ang loob ng biyenan ko sa akin pag nakitang maganda ang RIG na inorder sa kanya. (sa kumare niya kasi, ahihihi!).


Pero ganito: maaaring mababang specs pa lamang ng isang rig ito. Habang pinagmamasdan ko at sinisipat ang mga kinang (dahil bago) at ganda ng mga piyesa, nakatawag-pansin ang munting "lampshade" sa lamesa. "oo nga pla", marahan kong bulong sa sarili. "..Mag iisang taon na rin ang lampshade na ito..". Nabili ko pa sa cubao ang lampshade sa halagang 90pesos. Buhay na buhay pa rin. Hindi maikakaila ng aking isipan na napakarami ko na palang na-repair na units at nabuong computer dahil sa liwanag ng lampshade na ito.

Naalala ko ang taong 1879, October 18, nang umupo ang dakilang imbentor sa kanyang laboratoryo upang bunuin ang paulit-ulit na kabiguan sa loob ng 13 taon para lamang mabuo niya ang kanyang imbensiyon. Maging ang kanyang pinanser ay nag-back-out na para siya suportahan. Sa kabila ng mga higanting kabiguan, hindi siya nadiskurahe. Sa loob ng 13 taon natapos ni THOMAS EDISON ang imbensyon niyang bombilya at ilaw.

May mga maliliit na bagay ng kasaysayan na napakalaki ng nagawa sa ating buhay sa kasalukuyan.


masama man o mabuti

..namumuhay na may pagkakilala sa DIyos ang mag ama sa isang nayon., ilang buwan bago pumutok ang ikalawang digmaang pandaigdig. hamak na kotsero lamang ang ama at minsan sa di inaasahang pangyayari ay biglang nakawala ang kaisa-isang kabayo nila. "kawawa naman ang mag ama, kaisa-isang kabayong panghanap buhay, nawala pa..tsk..tsk..tsk." ang bulung-bulungan ng mga kapitbahay. Sa kamalayan ng ama ay umiral ang pananampalataya: masama man o mabuti, Diyos lang ang nakaka-alam. ang pakumbabang-sambit sa sarili.

Sa gubat napadpad ang kanilang kabayo. Nakihalo sa mga kabayong-gubat ng ilang araw. Bumalik ang kabayo. Kasama ang dalawa pang kabayong-gubat. Laking tuwa ng anak. "ang swerte nyo namang mag ama, naging 3 ang kabayo nyo ngayon", ang pahangang-sambit ng mga kapitbahay."masama man o mabuti, Diyos lang ang nakakaalam", ang bulalas ng ama ng bata.

Kinailangang turuan ang mga kabayong gubat upang maisingkaw sa karetela. Dahil sa kabayong-gubat ay hindi sanay masakyan. Nagdadamba ang isa sa mga sinampahan ng anak. Nahulog at napilay ang anak. Lapitan ang mga tao sa paligid, "kawawang bata, napaka-agang malulumpo", iiling-iling ang mga kapitbahay ng mag ama. "anak, masama man o mabuti, Diyos lang ang nakakaalam.", sambit ng ama sa lumuluha nyang anak.

Pumutok ang ikalawang digmaang pandaigdig. At kinailangang kunin ang mga anak na lalaki sa nayong iyon upang gawing sundalo ng digmaan. Umiiyak ang mga kapitbahay ng mag ama, "buti ikaw kapiling mo ang iyong anak samantalang kami ay walang kasiguraduhan kung makakabalik pa ang mga anak namin, walang pahinga ang aming isipan dahil sa bagabag". Humugot ng tugon ang ama ng bata: "masama man o mabuti, Diyos lang ang nakakaalam"

i-coke mo na yan

Panahon ng " Great Depression " ng Amerika. May isang lalake na laging tumatawag sa kompanya ng Coca Cola at iniaalok ang isang desenyo upang lalong umangat ang benta ng naturang inumin. Noong mga panahong iyon kasi ay nasa malalaking tapayan at lalagyan ang Coke. Mga opisyales ng gobyerno, mayayamang negosyante, at eleganteng restauran lamang ang nakakabili ng Coke. Hindi mahimas ng Coke ang masa noong panahong iyon.

Makulit ang estrangherong ito na isa-bote ang coke sa pamamagitan ng kanyang desenyo. Upang tumigil sa kanyang kakulitan ay pinagbigyan siya ng pamunuan. Agad nag-boomed ang coca cola. Lumawak ang hangganan, sinakop ang mga bansa. Naging isang milyunaryong kompanya bago matapos ang dekada. Malaking halaga ang ibinigay sa taong nag-suggest na ilagay sa bote ang Coke.

sa labas ng boystown

"..boys town ang kinalakihan ng batang ito. tanging mga guro ang nakagisnan. Doon na siya lumaki, nagka isip. Subalit kakaiba ang naging ugali. Maliit pa siya ng i-paampon ng kanyang mga magulang. Mula noon hindi na siya kailanman binalikan. Tanging ang institusyong iyon ang nakamulatan. Sa ilalim ng bagwis ng mga katuruan doon ay madalas siyang mairita. Sa bawat salansanan ng mga alituntunin madalas siyang umalagwa. Para siyang nasasakal. Madalas siyang magpaiyak ng mga kaklase. Madalas siyang tawagin ng "guidance counselor". Maging ang mga guro ay suko sa kakulitan niya. Hindi siya kayang ituwid ng mga alituntunin. Hindi siya nahulma sa tamang hugis. Nawalan ng pag asa ang institusyon.

Pinalabas ang batang ito sa boystown. Sa edad na 10 taong gulang ay hinarap niya ang mabangis na buhay sa labas. Lahat ng uri ng batang lansangan ay kinasalamuha. Natutunan lahat ang mga pamamaraan upang maka-survive! Hinulma siya ng kalokohan. Binaluktot ang kanyang isipan ng mga malalabnaw na pananaw. Pinakitid ng lansangan ang kanyang kamalayan. Nabuhay sa masamang gawain.

Lumaki siyang kilabot sa pagnanakaw. Madulas. Hindi siya masalikop ng autoridad. Laman siya halos ng pahayagan sa bansang Amerika. Lahat ng bangko ay binalot ng matinding pangamba, natatakot sa kanyang paggala at pagsalanta. Walang makapantay sa grupo niya sa pandarambong sa mga bangko. Dineklara na siyang "PUBLIC ENEMY NO.1".

Nakita niya ang ng ganda buhay pag may pera. Ang aliwalas ng gabi habang nakahiga sa salapi. Napakadami niyang kaibigan. Napakarami niyang natulungan sa lansangan. Gayunpaman, kumukudlit sa alaala niya ang mga tanong kung bakit siya iniwan sa boystown. Nilulunod niya sa alak ang mga katanungang iyon na walang maapuhap na sagot. Pinatitigas ang kanyang puso. Ayaw niyang pakawalan ang mga nangingilid na luha sa kanyang mga mata.

Namataan siyang pumasok sa isang sinehan kasama ang isang babae na laging nakasout ng pula (the lady in red). Pinalibutan agad ang lugar na yon ng mga pulis at inabangan ang kanyang paglabas. Shoot to kill ang order. PAglabas na paglabas niya ng sinehan, tinadtad na siya ng bala! Agad siyang tinakpan ng diyaryo. Walang nakuhang larawan sa taong ito kundi ang kanyang mga paa lamang. At sa isang pahayagan na kung saan tanging ang mga paa lang ng taong ito ang kinunan ay nakasulat ang mga katagang ito: "..saan kaya hahantong ang mga paang ito kung may nagtiis na mag aruga at magturo ng tamang landas.."

. Siya si JOHN HERBERT DELINGER, ang kilabot na manloloob at magnanakaw ng bangko ng dekada 60 sa AMerika.

Friday, December 15, 2006

tinanggihang resipe

Tinagurian siyang "man in a hurry". Naulila sa edad na 5 taong gulang. Naging drop out nang siyay nag-aaral. Maagang namulat sa kasalatan kung kayat binalikat ang sarili sa edad na 14. Bumagsak siya sa pagbubukid matapos magkundoktor sa isang pampasaherong bus. Ipinagkaila niya ang totoo niyang edad makapasok lamang bilang sundalo sa edad na 16. Nang mabuko ay naging bombero.

Nagsimulang lumagay sa tahimik sa edad na 18. "..im sorry Mr. Sander, your fired!..", ang nakakatulig na kataga galing sa kanyang boss. "..bakit ngayon pang buntis ako tsaka ka natanggal sa trabaho! paano mo kami bubuhayin?..", mga nakakangilong kataga ng asawa. Nagliyab ang apoy ng alitan. Iniwanan siya ng asawa. Sa kalagayan niyang halos wala nang pag-asa, inapuhap ang landas upang mabuhay. Pinasok niya ang pagbebenta ng mga gulong, ng insurance, at pagiging gasoline boy. Sa gitna ng mga ito nanatili siyang matuwid at matapat.

Madilim pa rin ang landas niya. Walang pag-asenso. Mailap ang magandang opurtunidad. Plinano ang pagkidnap sa isang bata na lingid sa kaalaman niya ay ang mismong anak. Sa igting ng plano ay walang bata na dumaan upang mabitag ng kanyang silo.

Sa tagal ng panahon, bumalik ang kanyang asawa kasama ang kanyang anak. Sa pagkakamangha ay halos matulala siya. Nasilip ang lagusan ng pag-ahon. Subalit matagal..at tumagal pa. Ngayon, isa na siyang huklubang matanda sa edad na 65. Lalo niyang naramdaman ang kanyang kawalang-halaga nang mabigay sa kanya ang "SOCIAL SECURITY CHECK" na nagkakahalaga sa $105. Hindi sapat upang ipang-umpisa ng negosyo. Naalala niyang halungkatin ang lumang resipe ng pamilya. Inialok niya ang resipeng iyon sa isang libo at pitong (1007) restauran. Lahat ay tumugon ng "hindi". Ang pang isang libo at walong (1008th) manager ng restauran ang tanging sumubok ng resipeng iyon. Sa loob ng isang maikling panahon ay kumita ang restauran dahil sa resipe. Nag-"boomed" ang restaurang iyon at may kabuuang-halaga na $2M matapos mabili mismo ni Colonel Harland Sanders. Ang restaurang iyon ay ang kilalang KENTUCKY FRIED CHICKEN (KFC) ngayon.

makulimlim ang ilaw ng hari

Swak na swak sa panlasa at pandinig ng buong mundo ang kanyang mga awitin sa tuwing pumapailanlang sa himpapawid ng radyo. Walang katumbas na idolo ng umusong “rock n roll” ng dekada 60. Hindi lang siya naging alamat ng tinaguriang “pop world” kundi pinakamayamang mang-aawit sa larangan ng industriyang musika. Hindi mahulugang-karayom ang kapal ng tao sa bawat konsierto. Nahihibang at nagdedeleryo ang mga kababaihan sa kanya. Napaka-gwapong batang mang-aawit na dating kasama sa “choir” ng isang Ebanghelikong simbahan.

Walang ginusto na hindi nakuha. Namamakyaw ng mga tikets sa takelyera ng sinehan upang mag-isang manonood. Pinasasara ang buong department store upang siya at mga alalay ang makapamili at makagala. Walang babaeng hindi bumigay sa kanya.

Oo, ang ELVIS PRESLEY na hari ng “rock n roll” at bumihag sa bawat puso ng mga dalagang Amerikana ay siya ring tao na nagsabi ng mga katagang ito:

”handa akong magbigay ng isang milyong dolyar para lamang sa isang normal, matahimik, at mapayapang linggo bilang ordinaryong tao.”


Ang trahedya: nawala ni Elvis ang napakagandang asawa at pamilya sanhi ng presyur ng kanyang sikat na imahe. Naging maiinitin ang ulo. Nilalamon ng depresyon. Naging matakaw sa sitserya at hamburger. Lumaki ang tiyan (obesity). Ang dating nakahahalinang mukha ay naging nakakaumay na dahil nagkorteng ensaymada. Para siyang halimaw kung kumain. Lumabo rin ang kanyang paningin dahil sa mga gamot. Ganito ang isang bahagi na nakalahad sa kanyang biograpiya:

bawat kilos niya mula umaga hanggang gabi ay may mga gamot siya. Gamot para sa pagtulog,gamot para sa pagkontrol sa kanyang timbang, gamot para sa kanyang mga sakit. Napapahupa siya ng mga tabletas, kapsula, at injeksyon. Nagiging bayolente siya kapag nakaligtaang uminom ng kanyang medikasyon. Taong 1977 ay nakakitaan na siya ng mga di-pangkaraniwang kilos. Madalas ay sabay-sabay niyang binubuksan ng malakas ang radyo at telebisyon. Bigla na lang siyang magpapautok ng baril. Sa madaling araw ay sumisigaw na nakikita ang multo ng ina.


Nalathala sa mga pahayagan: Elvis patay na dahil sa “Drug Overdose”. Nagdalamhati ang mundo.

Ilang buwan bago siya mamatay, nagkasalubong pa sila ni Pat Boone, ama ng umawit sa kantang “You Light up my Life” na si Debbie Boone. Ganito ang nabitiwang salita ni Pat Boone sa kaibigan niyang si Elvis:
”kung sakaling manimdim ang mga ilaw ng Las Vegas, may ilaw pang kailanman hindi mangungulimlim”