Friday, December 5, 2008
Ang pandesal at si Tatang Esong
Hayon na naman ang pang-umagang hudyat para kumain ng pandesal. Simula bata ako, ito na naririnig ko. Sa paslit kong kamalayan, hindi kumpleto ang umaga kapag walang pandesal.. hindi rin kumpleto ang pandesal kapag walang kapeng bigas. Subalit ang kumukumpleto ng aking masid noon ay si tatang Esong. Maliit pa noon ang kanyang ampon, nasa kalakasan pa sila noon ng kanyang asawang si Sareng, subalit hindi nabiyayaan ng isang supling. Ang swerte ng ampon nilang si Ingkeng.
"..tatang, baka kulang pa yan..", ang pandesero. Pandesero ang tawag namin kay Atong dahil sa baryo namin siya lang ang naka-bisekletang taga-benta ng mainit na pandesal. Tanghali na kasi kapag dumadaan si Vicenteng Kereng na puro mamon at galletas naman ang dala, halos sasabay si Aniane na naka-suzuki 120, puno ng samut-saring tinapay.
Sila ang tatlong magtitinapay na bumubuo ng aming almusal. Sa mga tanghali na kung gumising, si Aniane ang sagot, sa mga humahamog na umaga ay nandyan si Vicente Kereng, sa madaling araw ay si Atong. Saan ka pa?
Labing limang taon na rin ng magbakasyon ako dito sa amin. Gabi na ako dumating kagabi. Heto’t nagising ako ng “potpot” ng magpapandesal. Dinungaw ang eksenang yon na kinasabikan kong makita. Hindi ko maaninag ang mga anino kaya’t pumanaog ako sa kawayang hagdanan naming.
Hindi na pala si Atong ang taga-dala ng pandesal. Iba na ang eksena!
May kurot sa aking puso…
Ang dating magiliw na matanda, baluktot at nakabaston nang naglalakad. Dala ang supot ng pandesal at mag-isa nang nag-kakape sa balkon ng kanilang bahay. Kahit madilim-dilim pa ay nahagip ko ang pagtulo ng kanyang luha.
Inabot ako ng pagsikat ng araw sa papag sa ibaba. Wala ng hamog sa umaga. Wala na ring Vicenteng Kereng. Ang mga tao ay sa tindahan na ni aling roseng bumibili ng mga noodles para almusal.
Pitong taon na palang hindi makalakad si Vicenteng Kereng. Nagka-kumplikasyon ang kanyang rayuma dahil sa araw-araw niyang kalalakad makapagbenta lang tinapay. Sinilip ko siya sa kabilang ibayo kasama ang pinsan ko. Lalo akong naluha sa nakita ko.
Nasa papag na lang si Vicenteng Kereng, umaasa na lang apo niyang si Dario na 12 taong gulang. Nakikipagtanim ng palay para ipantawid-gutom. Sa kapal na ng katarata ni Vicenteng Kereng, naaninag pa rin niya ako. Alam pa rin niya ang magkabilaan biloy ko. Yung mga biloy ka palagi ang pinupuri niya, para lang bumili si nanang ko noon ng kanyang galletas. Yung dalawang drum niya na lagayan ng kanyang mga paninda noon at nagsilbing imbakan na lang ng kanilang tubig. Ang anak niyang babae na ina ni Dario ay matagal ng hindi umuuwi simula nong nagtanan.
“naku apo, matagal ng patay si Anton”, (tunay na pangalan ni Aniane). Yan ang sabi ng asawa ni Aniane. Kahit pala may ulser ay kumakayod pa rin. Ang laks ng bentahan nila noon. Pero naubos sa pagpapagamot hanggang mamatay. Ang buhay ng pamilya niya ngayon ay masahol pa sa mga mahihirap na nasa baryo namin. Nagtutudtod (salitang ilocano para sa namumulot ng mga tira-tirang ani sa bukid) na lang sila para may maibenta sa bayan.
Papalubog na ang araw ng makabalik kami. Nahagip ko ng tingin ang matandang Esong papunta ng Patalan. Tinanong ko si nanay kung asan na si Ingkeng? Tuluyan ng hindi ko mapigil ang lumuha. Wala na palang lupa ang matanda. Naubos dahil sa kakabayad sa atraso ng batang kanilang pinalaki. Walong taon nang hindi sila inuwian, hanggang mamatay ang matandang Sareng. Umaasa na lang ang matandang Esong sa binabayad ng mga nagbibilad ng palay sa kanyang plaza sa harap. Ang giniliw na bata, asan na? Papalubog na ang araw ng matanda, lalong magiging pusikit ang kanyang gabi sa pag-iisa.
Kinabukasan, narinig ko muli ang potpot ng naglalako ng pandesal. Antagal na bumubusina sa tapat nina tandang Esong. Ayaw ko ng dungawin. Tiyak kasi malungkot ang eksena.
Tanghali na ako nagising. Pagdungaw ko sa bintana. May kabaong ng ibinababa ang punerarya Ferrer papunta sa bahay ni tandang Esong.
Wednesday, December 20, 2006
kung kelan palubog na ang araw niya
Tumagal ang negosyo niyang ito. May magkapatid na bumili ng kanyang “milk shake machines”. Pinakyaw nila itong lahat. Sa kanyang kuryusidad, sinundan niya ang dalawang magkapatid hanggang San Bernardino upang matuklasang pinapatakbo nang magkapatid na ito ang isang matagumpay na “humburger stand”.
Nagsumikap siya upang bilhin ito. Nabili nga niya ang “karapatan” (rights) sa humburger stand nang siya’y 51 taong gulang na. Pumailanlang ito sa lundo ng tagumpay matapos ang isang taon. Parang kabute itong umusbong hanggang naging numero unong “fast-food chain” sa buong mundo. Si RAY KROC na matagumpay na tao matapos ang paulit-ulit na kabiguan sa larangan ng negosyo. Sa edad na 52 ay ganap na Milyonaryo sa pamamagitan ng kanyang McDonald’s.
sige talon na!
Tatlo na lang ang parakyut sa isa eroplanong papabagsak. Hindi magkamayaw ang apat na nalalabing nakasakay.
”..may asawa ako’t mga anak na kailangan ng aking pagkalinga. Marami akong responsibilidad sa buhay.”,ang sabi ng Piloto sabay kuha ng parakyut at tumalon.
”..marami na akong award na natamo sa isang prominenting eskwelahan. Matagumpay ang aking kinabukasan. Malay ninyo, ako ang makakahanap ng lunas sa AIDS at KANSER. Sa hinaharap malulutas ko ang kanser at aids ng ating lumalalang ekonomiya..”,ang smarteng Valedictorian sabay dampot sa parakyut at tumalon.
”..anak, kunin mo na ang huling parakyut. May kasiguraduhan na ako sa Diyos, mapayapa akong babagsak kasama ng eroplanong ito..”,ang mahinahong Pastor.
”..relaks lang kayo reverendo..”. ang ngingiti-ngiting Kompyuter Teknisyan..”..kasama ng Valedictorian ang aking mga ATI videocards at 10pcs 512 ddrams nang damputin niya ang aking knapsack..”
hindi lahat ng mga nagtapos at nagtamo ng mataas na karangalan ay matalino nga at smarte. Maraming bagay na napapag-aralan sa lansangan ng buhay na wala sa bulwagan ng lektura.
wow mali!
isang malaking "TOINK*"..
Nag U-TURN ang sasakyan nila at bumalik sa MCDO drive thru upang ibalik ang pera. Nag-iiyak nang nadatnan nila ang crew na nagkamali. Na-impress ang bisor at ng mga taong naroroon. Abut-abot ang pasalamat ng mga nandoroon. Puring-puri nila ang KATAPATAN ng dalawang magkatipan. "..kailangan malaman ng marami ang ginawa ninyong katapatan..", ang sambit ng nakangiti pang bisor. "..nagpatawag na ako ng medya para masabi sa lahat ang ginawa ninyong kahanga-hangang katapatan..".
Biglang pinagpawisan ang lalake at bantulot itong tinatanggihan ang offer ng bisor. "..huwag na po, ayos lang sa amin, aalis na kami..", ang nahihintakutang lalake habang kinakaray ang kasama niyang babae papalayo. Hinabol siya ng bisor upang makuhanan man lang sila ng piktyur. "..huwag po sir, hindi ko po asawa ang babae..", bulalas ng namumutlang lalake.
ang tapat sa isang bagay subalit hindi sa ibang bagay ay kasinungalingan.
check mate!
Sa bawat sulong may gumugulong. Matindi kung dumipensa. Pinaigting ang pamosong "Sicilian defense" ng larong chess. Itinuring na alamat ang puknatan nila ni Spassky. gumugulong ang utak..dinudugo ang isip upang maipanaiig ang sinimulan.
Sa gitna ng matinding kasikatan. sa karagatan ng animo'y nakalulunod na pamumuri. Nawalan ng kasiyahan. Ang henyo..ang maestro..ay lunod sa kahungkagang hindi magagap. Iniwan ang ahedres..isinulong ang paghahanap sa tunay niyang kasiyahan.
Ginugugol na lang ni Bobby Fischer ang buhay sa pagmamasid sa ganda ng kanyang paligid na matagal na niya pa lang hindi namamasdan.
ang tangang bampira
Maamoy ito nang gutom na lobo (wolf). Matatagpuan niya ito sa gabi na kung saan malamlam ang sinag ng buwan.Buong kasibasiban niyang didilaan at lalaplapin ang dugo na nakakulapol sa talim ng kutsilyo. (Para itong paslit na humihimod sa kanyang ice drop.) Hayok sa dugo. Hindi na niya namamalayan na ang talim ng kutsilyo ang natira at sarili na niyang dugo ang sinisibasib. Maputla na nang bumulagta ang lobo.
Madalas, sarili/pamilya na pala natin ang ating pinapatay/sinisira makuha lang ang ating mga pansariling pagnanasa.
modelo
Humayo siya. Nagsimulang mangarap. Lumampas ang minithi at humabol ng mga bagay na hindi na nararapat. Kinain siya ng mga bagay na panlupa. Hinayok ng mga ambisyong walang pinatunguhan at hindi kinaya.
Humiga siya sa alikabok.
Nawala ang mga naipundar mula salaping magbibigay sana sa kanya ng lalong magiliw na anyo ng buhay. Ang dating magiliw at maamong mukha, ngayon niluluoy ng kahirapan at kasalanan. Kumulubot ng labis ang mukha at tumanda. Animo sagisag ng kasinungalingan at kawalang pag-asa. Nawala ang ningning sa mga mata.
Muli siyang nakakita ng sinag ng pag-asa nang muli siyang matagpuan ng maestro upang paupuing muli sa Obrang hindi pa natapos bilang modelo ni Hudas. Sa pagtataka niya, diyatat hindi na siya namukhaan ng maestro. Kaya sinabi niyang siya si Pietri Bandinelli, ang taong minsan na niyang pinaupo sa lamesang iyon upang maging modelo ni Hesus, halos sampung taon na ang nakakalipas.