Friday, December 5, 2008

Ang pandesal at si Tatang Esong

"..poott!.." "poott!" "..poott.."

Hayon na naman ang pang-umagang hudyat para kumain ng pandesal. Simula bata ako, ito na naririnig ko. Sa paslit kong kamalayan, hindi kumpleto ang umaga kapag walang pandesal.. hindi rin kumpleto ang pandesal kapag walang kapeng bigas. Subalit ang kumukumpleto ng aking masid noon ay si tatang Esong. Maliit pa noon ang kanyang ampon, nasa kalakasan pa sila noon ng kanyang asawang si Sareng, subalit hindi nabiyayaan ng isang supling. Ang swerte ng ampon nilang si Ingkeng.

"..tatang, baka kulang pa yan..", ang pandesero. Pandesero ang tawag namin kay Atong dahil sa baryo namin siya lang ang naka-bisekletang taga-benta ng mainit na pandesal. Tanghali na kasi kapag dumadaan si Vicenteng Kereng na puro mamon at galletas naman ang dala, halos sasabay si Aniane na naka-suzuki 120, puno ng samut-saring tinapay.

Sila ang tatlong magtitinapay na bumubuo ng aming almusal. Sa mga tanghali na kung gumising, si Aniane ang sagot, sa mga humahamog na umaga ay nandyan si Vicente Kereng, sa madaling araw ay si Atong. Saan ka pa?

Labing limang taon na rin ng magbakasyon ako dito sa amin. Gabi na ako dumating kagabi. Heto’t nagising ako ng “potpot” ng magpapandesal. Dinungaw ang eksenang yon na kinasabikan kong makita. Hindi ko maaninag ang mga anino kaya’t pumanaog ako sa kawayang hagdanan naming.

Hindi na pala si Atong ang taga-dala ng pandesal. Iba na ang eksena!

May kurot sa aking puso…

Ang dating magiliw na matanda, baluktot at nakabaston nang naglalakad. Dala ang supot ng pandesal at mag-isa nang nag-kakape sa balkon ng kanilang bahay. Kahit madilim-dilim pa ay nahagip ko ang pagtulo ng kanyang luha.

Inabot ako ng pagsikat ng araw sa papag sa ibaba. Wala ng hamog sa umaga. Wala na ring Vicenteng Kereng. Ang mga tao ay sa tindahan na ni aling roseng bumibili ng mga noodles para almusal.

Pitong taon na palang hindi makalakad si Vicenteng Kereng. Nagka-kumplikasyon ang kanyang rayuma dahil sa araw-araw niyang kalalakad makapagbenta lang tinapay. Sinilip ko siya sa kabilang ibayo kasama ang pinsan ko. Lalo akong naluha sa nakita ko.

Nasa papag na lang si Vicenteng Kereng, umaasa na lang apo niyang si Dario na 12 taong gulang. Nakikipagtanim ng palay para ipantawid-gutom. Sa kapal na ng katarata ni Vicenteng Kereng, naaninag pa rin niya ako. Alam pa rin niya ang magkabilaan biloy ko. Yung mga biloy ka palagi ang pinupuri niya, para lang bumili si nanang ko noon ng kanyang galletas. Yung dalawang drum niya na lagayan ng kanyang mga paninda noon at nagsilbing imbakan na lang ng kanilang tubig. Ang anak niyang babae na ina ni Dario ay matagal ng hindi umuuwi simula nong nagtanan.

“naku apo, matagal ng patay si Anton”, (tunay na pangalan ni Aniane). Yan ang sabi ng asawa ni Aniane. Kahit pala may ulser ay kumakayod pa rin. Ang laks ng bentahan nila noon. Pero naubos sa pagpapagamot hanggang mamatay. Ang buhay ng pamilya niya ngayon ay masahol pa sa mga mahihirap na nasa baryo namin. Nagtutudtod (salitang ilocano para sa namumulot ng mga tira-tirang ani sa bukid) na lang sila para may maibenta sa bayan.


Papalubog na ang araw ng makabalik kami. Nahagip ko ng tingin ang matandang Esong papunta ng Patalan. Tinanong ko si nanay kung asan na si Ingkeng? Tuluyan ng hindi ko mapigil ang lumuha. Wala na palang lupa ang matanda. Naubos dahil sa kakabayad sa atraso ng batang kanilang pinalaki. Walong taon nang hindi sila inuwian, hanggang mamatay ang matandang Sareng. Umaasa na lang ang matandang Esong sa binabayad ng mga nagbibilad ng palay sa kanyang plaza sa harap. Ang giniliw na bata, asan na? Papalubog na ang araw ng matanda, lalong magiging pusikit ang kanyang gabi sa pag-iisa.

Kinabukasan, narinig ko muli ang potpot ng naglalako ng pandesal. Antagal na bumubusina sa tapat nina tandang Esong. Ayaw ko ng dungawin. Tiyak kasi malungkot ang eksena.

Tanghali na ako nagising. Pagdungaw ko sa bintana. May kabaong ng ibinababa ang punerarya Ferrer papunta sa bahay ni tandang Esong.

2 comments:

Karmela Anne Badie said...

this story was related to our lesson.. it was such a very nice story for me... hope every will like this :)

Karmela Anne Badie said...

this story was related to our lesson.. it was such a very nice story for me... hope every will like this :)